LITERARY

Hindi Matitipid na Talinghaga*

ni Jonathan Vergara Geronimo

 

Naupo ang makata sa labas ng kanyang talinghaga:

 

Hindi makatiis ang bigat na bigat na pambayang tren

na dagling tumirik.

Hinahabol nang mahabang pila ng pasyente

ang de-numerong paghinga.

Nagmamadaling umuwi ang init na init na mga estudyante

sa siksik na silid-bartolina

Napapailing ang obrero sa tuwing tatanggapin ang peyslip

sa kapirasong papel at maliit na halaga.

Nagmamaktol ang drayber sa pambubulyaw ng pasaherong

naghihintay ng sukli sa nagmamaramot na sais.

Nagbibilang ng oras ang magsasakang baon sa utang

bago inumin ang huling patak ng pestisayd.

Nagmumura ang nanay nang matisod sa lubak na daan

at masubsob sa tinipid na karatula ng babala.

 

Napatayo ang makata sa labas ng kanyang talinghaga:

Habang hindi matipid-tipid ang patak ng bolpen,

Nagtatae ng pulang tinta.

 

*BADYET SA EDUKASYON 

AT IBANG SERBISYONG PANLIPUNAN, IPAGLABAN! 

Ang Pananatili’y Isang Ihip ng Hangin

ni Justine S. Alas IV- 16 BSE- Filipino

Sa iyong nalalapit na pagbabalik
Ikaw at ako ramdam ang pananabik
Bagamat alam na sa aking sarili
Na madalian lang iyong pananatili
                                                                                                  
Puso’y kaysigla pag ika’y kapiling na
Ngunit, di lang puso ko ang lumiligaya
Pagkat silang may pusong malapit sa’tin
Nakikihati, sayang dulot mo sa’ kin.
 
Minsan tuloy sa sarili’y napaisip
Ikaw nalang sana’y di muna nagbalik
Kung pananatili mo nama’y sandali
Na katulad ng isang ihip ng hangin.
 
Sapagkat higit na makirot sa akin
Na maudlot kaligayahan natin
Magtitiis munang hindi ka kapiling
Ang siya muna sanang aking pipiliin.
 
At sa muling paglapit ng ‘yong paglayo
Ako’y malulungkot, luha ko’y tutulo
Hapdi’y mga karayom dito sa puso
Na sa pagbao’y lubhang napakakirot.
 
Ganunpaman, loob nati’y titibayan
Titibayan para sa kinabukasan
Kinabukasang ating paiiralin
Paiiraling higit, isip sa damdamin.
 
Sadyang ganyan ang  buhay sa kasalukuyan
Kahit na sino ay mangingibang bayan
Isasakripisyo ang kaligayahan
Bilang mga solusyon sa ating kahirapan.
8-5-’11

Sulyap sa PPP ng Dilawan:

Pasista, Pabaya at Papogi lamang

ni JOHN CLIFFORD E. SIBAYAN

Walang habas na pagtatapyas ng busabos na tuta

Inutil kang laya sa masang kawawa

Omentong kay baba sa manggagawa

Gutom, buhay at oras inunti’t para lumaya

Nauupos na karapatan sa pag-aaral

Tila hinuhubaran ng dahan-dahan si Inang Pamantasan

Walang magamit upang isaplot

Ngunit dahil sayo bultong mata ang sumusulpot

Dilawan ang wari’t pananaw mo

Bumababa ka’t damhin ang sakop mo

Tila baga ang mga bagay na walang buhay

Siya mong nilaanang oras kaysa mga lupaypay

Walang magandang masabi ang makata

Dahil wala ka naman talagang nagawa

Mga anakpawis sa bakod ni luisita

Daang taon na’t naghihintay ng awa

Ang papet na putak ng putak

Sa impe pa rin sumasalaksak

Pitik sambit sa dambanang hikahos sa pagkuliglig

Pyudal na lakad ay unti-unting nadidinig

Wag na wag ng mangangako

Pagka’t alam ko na kami’y iyong ginagago

Pinuputa mo kami sa iyong pagkatrapo

Doon ka na lang sa porsya mo!

Tatlong P ang mababansag sayo

Pasista, Pabaya at Papogi lamang ang sayo’y umaanino

Walang K ang hasang alituntunin

Walang kahandaan ang landas na tunguhin

Ang huwad na kapayapaan ng arkong pangharang

Dadaluyong ang bultong galit iyong asahan

Kolektibong babaligtarin ang tatsulok

Sa pantay na saloy ng pakikibakang nililok.

Oda sa isang Dibuhista

ni Princess M.Samaco

Ikaw,

Nilikha ka ng Maykapal upang gumuhit.

Sa tulong ng haraya at katotohanang,

Nagbabanggaan, nagtutunggalian sa iyong isip

Ikaw,

Sa iyong  pagguhit at paglilinya

Sa mga ulilang papel ng sketchpad  at maputlang tela;

Nagagawa mong mapagsama

Ang himagsik ng panulat at alab ng pintura,

Saka sumilang ang isang obra maestra.

Sa iyo,

Na may kakayahang iguhit

ang mapulang langit,

ang  kasaysayang punit,

at lipunang yagit,

sa iba’t-ibang larawan ng buhay,

Maaaring  sa papel o sa kanbas na puno ng lumbay.

Sa iyo,

Na may talino sa paghahalo ng kulay,

Nawa’ magawa mong maisalaysay ;

Ang mga himutok at hinaing

naming mga buhay na patay

Dito, sa bayan na ang paghahangad ng kalayaan

Ay isang pagsuway.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s