Komparatibong Pagsusuri sa mga dokumentaryong pelikulang The U.S. and the Philippines: In Our Image (Stanley Karnow / Andrew Pearson) at Sa Liyab ng Libong Sulo

ni: JOHN CLIFFORD E. SIBAYAN

 

Bagama’t tila mahigpit na magkaugnay ang mga dokumentaryong pelikulang The U.S. and the Philippines: In Our Image ayon sa lente ni Stanley Karnow at ang Sa Liyab ng Libong Sulo ayon sa lente ng radikal na kilusang mapagpalaya ng Kilusang Pambansa Demokratiko, malaki ang pagkakaiba nito sa kritikal na pagsusuri sa tunay na relasyon sa pagitan ng Estados Unidos at ng Pilipinas. Ang unang bansa ay isang imperyalistang bansa habang ang Pilipinas ay isang kliyenteng-estado (client state). Ang dokumentaryong pelikula ni Karnow ay depiksyon ng “White Man’s Burden” o ang klasikong depensa o apologia (apology) ng kolonyaismo/imperyalismong Estados Unidos habang ang Sa Liyab ng Libong Sulo ay mabalasik na kritika ng karahasan ng imperyalismo sa lahat ng antas ng politika, ekonomiya, kultura at iba pang larangan sa bansa.

Sa akdang “U.S. Imperialism is a Paper Tiger” (1956) ni Tagapangulong Mao Zedong, sinabi niya na  ang Imperyalismong Estados Unidos ay tila makapangyarihan, ngunit sa realidad ay hindi. Sinabi ni Mao Zedong na sa katunayan ay mahina ang imperyalismo sapagkat ito ay “divorced from the masses of the people and disliked by everybody and by the American people too.” Isinisiwalat ni Mao Zedong sa pahayag na ito na “tigreng papel” ang Imperyalismong Estados Unidos sapagkat sa panlabas na anyo’y tigre ito ngunit sa realidad ay gawa ito sa papel na madaling wasakin ng lakas, hangin at ulan ng disgusto ng malawak na masa at mamamayan. Ganito ang paninindigan na masisipat sa dokumentaryong Sa Liyab ng Libong Sulo, habang ang dokumentaryong pelikula naman ni Karnow ay naghahayag na naging mas mabuting mananakop sa Pilipinas ang Estados Unidos kaysa Espanya.

 

White Man’s Burden at ang Apologia ng Imperyalistang Estados Unidos

Si Stanley Karnow ay isang mamamahayag at nagsilbi sa United States Army Air Corps sa Asya noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Kilala rin siya bilang dokumentarista ng Estados Unidos sa naganap na marahas na pananakop ng Estados Unidos sa Vietnam. Nakasama siya noong 1961 kay Hen. Douglas McArthur at ilang beses naglagi sa Pilipinas at nakipag-untugang-siko sa mga naghaharing uri sa bansa tulad nina Ferdinand Marcos at Corazon Aquino. Kabilang siya sa Council of Foreign Relations ng Estados Unidos at ng American Society of Historians. Nangangahulugan ito na ang paghuhusto sa kamalayan ni Karnow bilang mamamahayag at historyador ay nakapaloob sa Amerikanistang diskurso at kolonyalista/imperyalistang diskurso ng bansang kaniyang pinag-ugatan. Hindi na nakapagtataka, kung gayon, na hindi lamang usapin ng lahi (Amerika vs. Pilipino) ang blinder o tagabulag ni Karnow, kung hindi ang kinabibilangan niyang uring panlipunan. Ito ang mga sanhi kung bakit ang ipininta niyang relasyon ng Pilipinas at Amerika ay nakaayon sa mata ng Amerikanong burukrata.

tinypic.com

Malinaw na ang balangkas-diwa ni Karnow at ng kaniyang dokumentaryo ay mas panig sa Estados Unidos. Una, dahil bagama’t nagawang makapanayam ni Karnow ang maraming Pilipino, maging ang mga komunista at pulang mandirigma sa bansa, ang kaniyang lente ay nakapanalig sa Amerikanistang mamamahayag. Nakasama siya kay Douglas McArthur noong 1961 at ang kaniyang pagtataya ay bayani si McArthur na sinasamba ng mga Pilipino. Sa ganitong kalagayan, makikita na bagama’t wari ni Karnow na sinakop ng Estados Unidos ang Pilipinas ay maluwag itong tinanggap ng mga Pilipino. Sa katunayan, napaka-inutil ng pahayag ni Karnow at napakababa ng tingin sa mga Pilipino sa panayam sa kaniya ni Brian Lamb hinggil sa kaniyang libro at dokumentaryo:

 

“Filipinos are very talkative. Of course, I understand as a reporter that they want something, I mean, that they’re trying to sell themselves or sell whatever policy they had. Nevertheless, there is a kind of congeniality in Filipinos, and it’s not only the president. It’s right down to the lowliest peasant.”

 

Ngunit ang mga Pilipinong sa aktuwal ay pinatutungkulan ni Karnow ay ang mga Pilipinong miyembro ng oligarkiya sa bansa – ng mga naghaharing uri at pamilya na simula pa noong panahon ng Kolonyalismong Kastila ay nakipagsabwatan at nakinabang na sa mga kolonisdor at dayuhang personahe at sistema. Sa katunayan, lagpas pa sa white man’s burden, napakalaki ng pagmamaliit ni Karnow sa mga Pilipino sa dokumentaryong ito sa pamamagitan ng pagsabi na tila kasalanan ng mga Pilipino ang pagdedepende o pagsandig sa Estados Unidos, na tila hindi isang sistematikong panunupil, pagmamaniobra at paglalambong (pampolitika, pang-ekonomiya at pangkultura) ang ikinawing sa atin ng Estados Unidos. Sa katunayan, sa isang panayam ni Brian Lamb kay Karnow, lumilitaw ang balangkas-diwa ng dokumenaryo – na ang Pilipinas ay tinanggap ang mga kolonyalista (sa pag-usad ay imperyalistang) Estados Unidos:

 

“The Filipinos have to develop this sense of nationhood, and that’s going to be a major challenge for them. Only when they can do that can they begin to become truly independent from the United States because the independence they got in 1946 was a kind of dependent independence. They depended on us for aid; they depend on us for advice; they depend on us on numerous occasions to help them pull the chestnuts out of the fire. They’re depending on us right now for help fighting the insurgency. So they have to make it on their own, and that’s going to be the major challenge for them, and I think it will color their relationship with us. (1989)”

 

Doble-kara ang maaaring mabasa sa pahayag na ito ni Karnow, na siya ring mamamataan sa kaniyang dokumentaryo. Una, na malayang nagpasakop ang Pilipinas sa Estados Unidos, at tila nagpapasalamat pa na tayo’y binili ng Estados Unidos mula sa Espanya. Ikalawa, na tayo ang may kasalanan at hindi ang sistemang kolonyalismo / imperyalismong Estados Unidos kung bakit masyado tayong nakaasa at palaasa sa dayuhang mananakop at sistema. Ikatlo, at pinakakontrobersiyal, na hindi nakikita ni Karnow na magkasalikop ang interes ng Estados Unidos at ng oligarkiya ng Pilipinas sa pagsugpo sa rebolusyon ng Kilusang Pambansa Demokratiko sa Pilipinas.

 

Tunggalian ng mga Uri at ang Liyab ng Libong Anti-Imperyalistang Sulo

Samantala, matibay naman ang anti-imperyalistang balangkas ng Sa Liyab ng Libong Sulo, na mahusay na nasipat na ang Pilipinas ay kliyenteng-estado ng Estados Unidos. At kung sa nomenklatura nga ito ng mga progresibo sa bansa, “tuta ng Amerikanong imperyalista” ang naghaharing uri sa bansa. Ito ang hindi nasisipat ni Karnow! Na tila sinasalalak niya na dahil sa naghaharing uri ay namimisrepresenta na ang lahat ng Pilipino ay sagad-sagaring sunud-sunuran lamang sa dikta ng Estados Unidos, samantalang napakalakas ng rebolusyonaryong kilusan sa bansa.

files.blog-city.com

Sa aktwal, ang balangkas-diwa ng Sa Liyab ng Libong Sulo ay nagpapakita na ang lakas para mapalaya ang bansa mula sa anumang dayuhang mananakop at lokal na papet na pamahalaan at oligarkiya ay ang lakas ng rebolusyon at ng mamamayan. Ang bansa ay napapayungan ng monopolyo kapitalismo (o imperyalismong) Estados Unidos at ng lokal na naghaharing uri tulad ng burgesya komprador. Mayroong limang batayang katangian ang monopolyo kapitalismo: (1) ang pag-unlad ng konsentrasyon ng produksyon at kapital ay lumikha ng mga monopolyo ng iilan na naging mapagpasiya sa buhay pang-ekonomiya; (2) ang kapital sa bangko, na tradisyunal na pangkalakalan, ay sumanib sa kapital sa industriya, at ang kapital sa pinansiyang ito ay lumikha ng oligarkiyang pinansiyal; (3) ang mas mataas na pagpapahalaga sa pag-eksport ng kapital kaysa sa pag-eksport ng komoditi; (4) ang pormasyon ng global na monopolyo kapitalismo na pinaghahati-hatian ang buong mundo; at (5) ang pagkumpleto sa teritoryal na dibisyon ng buong mundo sa mga dambuhalang kapitalistang kapangyarihan. (Guerrero 2006, 65-66; Sison 1998, 18-19)

Kaugnay nito, sumulpot naman ang burgesya komprador bilang bagong uring panlipunan nang mangibabaw sa Pilipinas ang monopolyo kapitalismong Estados Unidos. Ang burgesya komprador ang nagsisilbing “mediator” o “tagapamagitan” ng lokal na ekonomiya at ng produkto at puhunan ng mga korporasyong Amerikano. Naakumula ng mga burgesya komprador ang pinakamalaking kapital sa lokal bunga ng primaryang papel nito bilang ahenteng pinansiyal ng imperyalismong Estados Unidos. (Guerrero 2006, 134-135)

Pinatatampok ng Sa Liyab ng Libong Sulo ang materyalismong istoriko – na ang pag-usad ng mga bansa ay bunga ng tunggalian ng mga uri. Ito ang hindi nasisipat ni Karnow na matamang nasipat ng Sa Liyab ng Libong Sulo. Natiyak sa teorya at praxis ng kilusang mapagpalaya na kailangang gapiin ang imperyalismo at lokal na kasapakat  nito upang tunay na mapalaya ang bansa at lumikha ng rebolusyonaryong gobyerno na maglulunsad ng pambansang industrialisasyon, rebolusyong agraryo at pangkultrang rebolusyon upang mapalaya. Sabi nga ni Mao Zedong, “There is no reason for the existence of imperialism” (1956).

Nangangahulugan, kung gayon, na ang mga papet na pamahalaan at lokal na naghaharing uri ay matinding kakampi at tuta ng mga imperyalistang Amerikano. Kung kaya’t itinuturo ng dokumentaryong Sa Liyab ng Libong Sulo na ang tanging solusyon sa suliranin ng bansa ay ang rebolusyong pambansa demokratiko tungo sa sosyalistang rebolusyon.

 

Ang Kasaysayan ng Dialogikong Relasyon ng Estados Unidos at Pilipinas ay Tagibang

Sinabi ni Mao Zedong na “All oppressed nations want independence.” (1956) Sa katunayan, sa ganitong giya maaaring sipatin kung paano binuo ng dalawang dokumentaryo ang kasaysayan ng Pilipinas. Hindi naman porke’t Amerikano si Karnow ay awtomatikong panig siya sa Amerika. Panig ang dokumentary ni Karnow sa Amerika dahil ideolohiya ng kolonyalista/imperyalistang Estados Unidos ang sandigan ni Karnow. Habang sa mulat na pagsusulat o pagbubuo ng kasaysayan ng Kilusang Pambansa Demokratiko, ang Sa Liyab ng Libong Sulo ay matibay na nakasandig sa mapagpalayang rebolusyon ng mamamayan.

Inilatag ni Karl Marx ang batayang diskurso ng materyalismong istoriko – na ang kasaysayan ng anumang bansa-estado ay kasaysayan ng tunggalian ng mga uri. Kung gayon, kung susuriin ang balangkas-diwa ng In Our Image, kapos ito sa istoriko materyalistang pagsusuri at nanalig lamang sa burgis na metodo ng pananaliksik at pamamahayag – ispasmodikong pakikipanayam at limitadong alaala na mas nakasandig pa sa oligarkiya ng bansa. Habang ang Sa Liyab ng Libong Sulo naman ay mahusay na tinalunton ang kasaysayan ng pagkakabuo ng bansa batay sa moda ng pang-ekonomiyang produksyon (na balangkasin rin ng mga tulad ni Karl Marx). Mula sa primitibo komunal at lokal o katutubong pyudalismo hanggang sa pagsisikhay tungo sa sosyalismo. Makikita sa Sa Liyab ng Libong Sulo ang batayang pahayag ni Marx: “Kailangang wasakin ang lumang kaayusan at mga institusyon upang lumikha ng bago at mapagpalayang kaayusan.” Nangangahulugan ito na ang kaayusan o orden na mayroon sa kasalukyan bunga ng imperyalismong Estados Unidos at lokal na kasapakat nito ay “walang kaayusang kaayusan,” o yaong pabor lamang sa interes ng naghahari.

Nakapaloob si Karnow sa hegemoniya o gahum ng kolonyalista/imperyalistang Estados Unidos. Para kay Antonio Gramsci, ang dominante at nagdodominang kapangyarihan o hegemoniya ay pumapaimbulog maging sa mga detalye nito. Tulad nang masisipat sa dokumentaryo ni Karnow, bagama’t nagmatiyag ay hindi naging tunay na mapagpmatiyag si Karnow sa pagbubuo ng kasaysayan ng Pilipinas. Hindi isinaalang-alang at hindi lumabas sa gahum o hegemoniya ng Estados Unidos. Habang ang Sa Liyab ng Libong Sulo ay dumaluyong laban sa hegemonikong pagmamalupit ng imperyalistang Estados Unidos at lokal na naghaharing uri.

Sa diskurso ng ideolohiya ni Louise Althusser, makikita natin na ang In Our Image ay hindi lumalabas sa ideolohikal na kahon ng imperyalismong Estados Unidos, at sa katunayan ay nagsilbi bilang Ideological State Apparatus (ISA) ng imperyalismo. Kung kaya’t ang kasaysayang binuo ni Karnow ay kasaysayang panig sa Amerika at dumadayukdok sa mga Pilipino. Habang ang Sa Liyab ng Libong Sulo naman ay matapang na pagsalunga sa mga ISA sa lipunan at nagiging isang subersibong ideolohikal na aparato.  Sa ganitong gana, ang pagtatalaban ng dalawang dokumentaryo ay ideolohikal at kailangang panigan ng manonood at mamamayan ang tunay na magpapalaya sa kaniya/kanila. Dahil walang bansang nagnanais na maging kolonya o kliyenteng-estado.

 

 

Sanggunian:

 

Amadon Guerrero. Philippine Society and Revolution. Fifth edition. Pilipinas: Aklat ng Bayan, Inc. 2006.

Stanley Karnow. (1989) Kinapanayam ni Brian Lamb. Inakses sa http://www.booknotes.org/Watch/7773-1/Stanley+Karnow.aspx. noong Agosto 4, 2102.

Jose Ma. Sison. Krisis at Rebolusyong Pilipino. Manila: Amado V. Hernandez Resource Center, Inc., at College Editors’ Guild of the Philippines. 1998.

____________. Makibaka Para sa Pambansang Demokrasya. Isinalin ng Kapisanan ng mga Tagasalin para sa Bayan (Salin-Bayan) mula sa Struggle for National Democracy Manila: Amado V. Hernandez Resource Center, Inc. at College Editors’ Guild of the Philippines. 2001.

Mao Tse-tung. “U.S. Imperialism is a Paper Tiger.” (1956) Inakses sa http://www.marxists.org/reference/archive/mao/selected-works/volume-5/mswv5_52.htm noong Agosto 4, 2012.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s