CLOSE, OPEN: Ang Laro ng Pagsasara ng CHED ng mga Kurso, Programa at Eskewelahan 

ni: John Clifford E. Sibayan

Lohika ng CHED sa Pagsasara ng mga Kurso

Noong nakaraang taon, humarap ang Commission on Higher Education (CHED) sa samu’t saring reaksyon dahil sa kontrobersiyal na mga tindig nito hinggil sa pagsasara ng mga kurso at kolehiyo na sa pagsusuri nito’y (1) mga substandard na programa at eskwelahan na hindi umaabot sa pamantayan ng kahusayan (laluna sa global na parametro), (2) lumalabag sa mga guideline ng CHED tulad ng sa pamantayan ng kalidad ng kaguruan at pasilidad, at (2) mababa ang performans at pagpasa ng mga graduate sa licensure examinations ng Professional Regulatory Commission (PRC).

Maanghang at matapang ang pagpapahayag ng CHED hinggil sa mga rekomendasyon at hakbangin nito ng pagsasara o pag-phase out ng mga partikular na kurso, programa at maging mga paaralan. Sa artikulo ni Tarra Quismundo, sinabi ni CHED Executive Director Julito Vitriolo na ang kanilang crackdown sa mga eskwelahan ay bahagi ng kanilang “power to monitor schools and recommend the closure or phase out of substandard programs. We’re taking it seriously because there are already too many substandard schools.”

Sa partikular, noong Oktubre 2011 ay anim na kurso sa Harvardian College sa San Fernando City, Pampanga ang ipinag-utos na ipasara ng CHED dahil sa patuloy nitong hindi pagsandig sa mga pamantayan ng komisyon. Lima sa anim na kursong ito ay nasa undergraduate na programa (education, elementary education, political science, English at commerce) at isa ay nasa programang masterado (education).

Sa parehong buwan rin, nauna sa pagsasara ng mga kurso sa Harvardian College, ay ipinag-utos ng CHED ang pagsasara ng dalawang degree programs ng Philippine Maritime Institute (PMI) Colleges sa mga kampus nito sa Manila at Quezon City. Isa sa maraming dahilan ng CHED sa pagsasara ng dalawang programa (BS Marine Transportation at BS Marine Engineering) ay mababang performans ng pagpasa ng mga graduates sa licensure exams. Halimbawa, ayon sa artikulo ni Jeffrey Tiangco, “CHEd data showed that the percentage of graduates of maritime schools who passed the PRC-administered exams have gradually declined from a high of 73.47 percent in 2002 to 62.02 percent in 2003, 42.35 in 2004, 45.52 in 2005, 48.18 in 2006, 47. 88 in 2007 and 51.41 in 2008.”

Kaugnay nito, matatandaan rin na noong panahon ng panunungkulan ni dating CHED Chair Emmanuel Angeles ay ipinasara ng CHED ang pitong “non-performing law schools” sa bansa dahil walang itong nailuwal na mga “bar examination passers” sa loob ng sampung taon

Lumalabas sa mga paliwanag ng CHED, kung gayon, na tila lohikal naman at makatarungan ang mga hakbangin ng CHED at ang mga pahayag ni Vitriolo patungkol sa pagsasara o phase out ng mga kurso, programa at eskwelahan. May rekognisyon o pagkilala ang CHED na maraming nagsusulputan na mga paaralan at programang pang-edukasyon sa Pilipinas na hindi naman talaga pumapasa sa mga pamantayan.

Ngunit may Ngunit

Ngunit ang mga ito’y ginagawa ng CHED nang may hindi isinasaalang-alang na mga usapin: Una, ginagawa ito ng CHED, madalas, sa kalagitnaan ng akademikong taon, tulad ng pag-uutos nitong isara ang mga kurso sa PMI Colleges para sa ikalawang semestre. Ang ganitong hakbangin ay naglalagay sa alanganin, higit sa kanino pa man, sa mga mag-aaral ng nasabing mga programa.

Ikalawa, hindi naman isinasaalang-alang ng CHED ang tunay na dahilan kung bakit mayroong paglobo ng ganitong klase ng mga kurso at paaralan sa bansa. Hindi kritikal na sinusuri ng CHED na ang dahilan naman talaga sa pagdami ng mga substandard na programa at eskwelahan at substandard na mga graduate ay dahil sa dikta ng negosyo. Oo, isang malaking negosyong nais pagkakitaan lamang ng mga eskwelahan (na korporasyon na mismo) ang mga estudyante at mamamayan.

Ikatlo, kaugnay ng ikalawa, talaga bang pamantayan ng de-kalidad na edukasyon o pamantayan ng global na merkado ba ang tunay na pamantayang sinusundan ng CHED? Kulang na naman sa suri ang CHED sa aspektong ito, sapagkat tulad nang mababasa sa ibaba, ito’y umaayon lamang sa dikta ng globalisasyon. Na ang ganitong substandard na mga programa, kurso at eskwelahan ay nakatali sa pangkalahatang pang-ekonomiyang kalagayan ng bansa, na nakatali naman sa global na ekonomiya ng mga dayuhang korporasyon.

Kasaysayan ng Interes ng Iilan

Ang kasaysayan ng mga kurso, programa at digri sa edukasyon na binubuksan at sinasarhan ay kasaysayan ng tunggalian ng mga interes.

Sa kasaysayan ng bansa ay mayroong malaking puwang sa pagitan ng mamamayan at sistemang pang-edukasyon mula pa noong kolonyalismong Kastila hanggang sa kasalukuyang neokolonisasyon ng Estados Unidos. Kung babalikan ang ating kasaysayan, bago tayo sakupin ng mga Kastila, maraming mga komunidad ng mga sinaunang Pilipino ang may hawak ng edukasyon. Komunal ang tipo ng edukasyon na kung saan ang lahat na kasapi ng komunidad, bata man o matanda, lalaki man o babae ay kapwa guro at estudyante na natututo sa isa’t isa.

Ngunit ang komunal at pangkomunidad na katangian ng edukasyon ay marahas na kinuha mula sa mamamayan. Naimbudo ito sa kamay ng mga dayuhan at ng iilan na nasa kapangyarihan. Nasa kontrol ito noon ng mga Katilang prayle hanggang sa mapasailalim ang bansa sa kolonyal na pampublikong edukasyon ng mga Amerikano.

Sa kasalukuyan, masakit mang isipin, ang edukasyon sa Pilipinas ay sunod sa agos ng dikta ng globalisasyon. Ang kahingian ng mga pribadong dayuhang korporasyon ang sinusunod ng kurikulum ng sistema ng ating edukasyon sa Pilipinas. Kasabay ng taon-taong pagkakaltas sa badyet ng edukasyon ay ang pagbebenta ng mga kursong tinatambuli ng globalisasyon.

Sa katunayan, ang edukasyon sa bansa ay naaayon sa dayuhan at pribadong interes ng gobyerno at negosyo. Halimbawa, ang layunin ng pagkakatatag ng Pamantasang Normal ng Pilipinas noong 1901 ay upang maging lunduyan ng mga bagong guro noong panahon ng kolonyalismong Amerikano sa bansa. Noon namang 1908 ang Unibersidad ng Pilipinas ay itinatag upang maging lunduyan ng mga bagong “Technocrats”. At ang Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas na dating Philippine College of Commerce noong 1912 ay magiging lunduyan ng mga bagong negosyante. Ibig sabihin itinatag ng mga Amerikano ang mga pampublikong institusyong ito para sa pangangailangan nila.

Sa pag-usad ng kasaysayan, sa patuloy na malaking impluwensya ng Estados Unidos sa Pilipinas, ang global na merkado ang nagdidikta ng mga lakas-paggawa at propesyunal na dapat iluwal ng mga pamantasan. Noong 1960s, nagkaroon ng mataas na demand para sa mga inhinyero kung kaya’t ito ang panahon ng pag-usbong ng napakaraming bilang ng mga paaralang pang-inhinyero. Medical schools naman ang dumagsa noong 1970s upang lumikha ng mga doktor dahil ito ang demand ng mga dayuhang kumpanya at gobyerno.

Ang inubasyong pangteknolohiya ng kompyuter at internet ang siyang naging tuon naman ng edukasyon noong 1980-1990 kung kaya’t nagsulputang parang mga kabute ang mga Computer at Information Technology schools. At ito ngang ika-21 na siglo, Caregiver at Nursing schools ang bumaha sa bansa. Sa katunayan noong 2004 ay tinatayang 85% ng mga Pilipinong nars na may trabaho ay nasa ibang bansa (mahigit 150,000).

Ang pinakabago at palasak ay ang pagtataguyod ng Call Center courses maging sa mga state universities and colleges (SUC) tulad ng Eulogio Amang Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST), Batangas State University (BSU), at Cavite State University (CSU).

Konklusyon

Mula rito ang kasaysayan ng mga kurso, programa at digri sa edukasyon na binubuksan at sinasarhan ay kasaysayan ng tunggalian ng mga interes. At makikita rin na kung hindi na kailangan ng global na merkado ang mga gradweyt ng mga nasabing kurso ay isinasara na ito ng mga paaralan.

Samakatuwid, kung nais ng CHED na magsara ng mga programa at magpataas ng kalidad ng mga paaralan, kailangang magkaroon ng pagbabago sa pangkabuuang pagtingin sa edukasyon – at kasamang kailangang baguhin rito ay mismong ang mga programa at palisiya ng CHED – na kailangang lisanin na ang anino ng mga dayuhan at pribadong negosyo at magtaguyod ng isang makabayang edukasyong maglilingkod sa bayan.

 

Sanggunian:

n.a. “CHED orders closure of 7 law schools.” Retrieved February 10, 2012, mula sa http://www.commuterexpress.ph/viewstory.php?id=382&section=tbl_nation

Commision on Higher Education. “CHED’s Statement on the Closure of the BSMT and BSMarE programs of PMI Colleges.” Retrieved February 10, 2012, mula sa http://www.facebook.com/notes/phched/cheds-statement-on-the-closure-of-the-bsmt-and-bsmare-programs-of-pmi-colleges/304339522917454

Hernando-Malipot, Ina. “CHEd closes school’s six courses.” Retrieved February 10, 2012, mula sa http://www.mb.com.ph/articles/339140/ched-closes-schools-six-courses

Quismundo, Tarra. “CHEd closes failing schools.” Retrieved February 10, 2012, mula sa http://newsinfo.inquirer.net/84191/ched-closes-failing-schools

Tiangco, Jeffrey. “CHEd orders closure of 2-degree programs of PMI Colleges.” Retrieved February 10, 2012, mula sa http://www.journal.com.ph/index.php/news/national/15887-ched-orders-closure-of-2-degree-programs-of-pmi-colleges

Comments
  1. john carls barrientos says:

    bakit ipinatigil ang kursong IT sa CHED ??

    bakit nga ba?

    • ISYUNG PNU says:

      dalawa ang maaaring dahilan ng CHED sa pagpapasara ng mga IT Programs (1) inadequate ang academic standing at facilities ng naturang mga paaralan o programa (2)hindi na po ganun ka indemand sa global at local market ang IT Professionals, ito’y nakadepende sa demand ng mga negosyanteng kapitalista, lumaki at pumutok na ang lobo ng IT professionals (dumagsa at dumami hanggang sa dumating sa punto na hindi na maacomodate lahat) salamat po

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s