ni Rod Cuera

Ipinagdiriwang taon-taon ang Pandaigdigang Araw ng mga Guro o World Teachers’ Day simula noong Oktubre 5, 1994 bilang paggunita sa mahalagang kontribusyon ng mga guro sa paghulma sa mga mag-aaral at mamamayan ng iba’t ibang bansa. Mula sa pinakapayak na mamamayan hanggang sa pinakamatataas na pinuno ng bayan, nagsisilbi ang mga guro sa pormasyon ng kamalayan ng mga mag-aaral sa loob ng paaralan.

Ngunit kailangang idiin na higit pa sa pagtuturo sa loob ng silid-aralan ang papel ng mga guro at edukador. Itinuro ng kasaysayan sa mga guro na hindi nakukupot sa loob ng silid-aralan ang pagkatuto ng mga mag-aaral. Hindi rin ang guro ang tanging bukal ng kaalaman, na tila itinuturing ang lahat ng sinasambit ng guro bilang totoo at hindi mababali. At lalo’t higit na hindi dapat ituring ng mga guro ang kanilang mga estudyante bilang tagasalo lamang ng kaalaman. Sa pamosong libro ni Paulo Freire na Pedagogy of the Oppressed, itinanghal ang pedagohiya – o ang sining, agham at propesyon ng pagtuturo at pagpapalaganap ng kaalaman – bilang isang tereyn ng tunggalian. Nangangahulugan ito na may politika ang pagtuturo kung saan ang mga kaalaman na ibinabato ng iba’t ibang guro ay maaaring magkakatunggaling kaalaman. Ang itinuturo ng isang guro ay maaaring pabor sa dominanteng mapang-aping sistema, samantalang ang itinuturo ng isa pang guro ay maaaring tumutuligsa naman sa mapang-aping sistema.

Pedagohiya at Kolonyalismo

Sa kasaysayan ng tunggalian sa loob ng sistemang pang-edukasyon sa Pilipinas, makikita na malaki ang kinalaman ng politika sa pagkakatatag ng mga paaralan at sa pagkakatatag ng propesyon ng pagtuturo. Makikita ito sa mga paraan ng pagtuturo at nilalaman ng pagtuturo simula pa noong ipamana ng mga Kastila ang kanilang kolonyal na edukasyon sa Pilipinas – ang edukasyon noon ay nagsisilbi sa interes ng kolonyalismong Kastila. Ang mga dasal at aralin na itinuturo sa paaralan ay naglalayong yakapin ang kolonyal na relihiyon at ang monarkiya ng Espanya. Gayundin, ang mga gawi at kilos na itinuturo sa paaralan ay yaong umaayon sa sistema ng kolonyalismo – mula sa pananalita, pag-iisip, at maging sa pananamit. Makikita, kung gayon, sa ganitong kalakaran na ang sistemang pang-edukasyong itinatag ng mga kolonisador ay tigib ng politikang naaayon sa interes ng mananakop, upang hulmahin ang mga kinokolonisang mamamayan bilang tagasunod lamang sa dikta ng dayuhan.

Nagpatuloy ito sa panahon ng kolonyalismong Amerikano sa Pilipinas, bagama’t naging mas agresibo at sistematiko ang kolonisasyon sa edukasyon sa pamamagitan ng pagtataguyod ng mga Amerikano ng pampublikong sistema ng edukasyon. Pangunahing tuon ng mga Amerikano noon na gawin ang mga Pilipino na “brown Americans” – na siyang ubod at buod ng kolonyal na edukasyon ng mga Amerikano. Ang wika’y ipinako sa Ingles at ang layunin ng pampublikong edukasyon ay gawing mga burukrata (o papalit sa mga posisyon ng mga Amerikano sa mga ahensiya ng pamahalaan) ang mga Pilipino. Hindi nga ba’t ganito ang orihinal na tunguhin kung bakit itinatag ng mga kolonisador na Amerikano ang Philippine Normal University (PNU) at University of the Philippines (UP)?

Pedagohiya at Neoliberalismo

Sa kasalukuyan, hindi pa rin tunay na malaya ang sistemang pang-edukasyon ng bansa mula sa dikta ng dayuhang interes. Bagong porma ng kolonyalismo – o ang neokolonyalismo – ang siyang ipinadadaloy na kamalayan sa sistemang pang-edukasyon sa bansa. Hindi man direktang kontrolado at nakaupo sa mga posisyon ng gobyerno ang mga kolonisador, malaki pa rin ang impluwensiya at kapangyarihan ng mga neokolonisador, partikular ang Estados Unidos, sa pagpapatakbo ng Pilipinas, laluna sa sistemang pang-edukasyon, pampubliko man o pribado.

Isa sa mga sistemang nagpapatakbo sa gobyerno ng Pilipinas ay ang neoliberalismo. Ang neoliberalismo ay isang palisiyang pang-ekonomiya at panlipunan na nakasandig sa pribadong kapital, negosyo at pagkakamal ng kita. Ipinagdiriinan ng neoliberalismo ang diumano’y pagiging mabisa ng pribadong pangangalakal (private enterprise). Kung kaya’t isinusulong ng neoliberalismo na palakasin ang papel at pahigpitin ang hawak ng pribadong sektor sa mga programa ng gobyerno. Sa esensiya, ninanais ng neoliberalismo na maging puso at utak ng gobyerno ang pribadong interes. Nangangahulugan ito na patatakbuhin ang gobyerno at ang mga ahensiya nito na tila mga negosyong ang primaryang layunin ay ang lumikha ng super-tubo at super-ganansiya para sa pribadong sektor.

Hindi na ngayon nakapagtataka kung bakit ang gobyerno ay nakatuon sa pagpapalakas ng presensiya ng pribadong sektor at pribadong pamumuhunan sa mga programa at palisiya nito. Pinakamatunog na neoliberal na adyenda ng administrasyong Noynoy Aquino ay ang pagpapalakas ng “private-public partnership” at ito ang ipinatutungo niya maging sa sektor ng edukasyon. Halimbawa, sa PNU, ibinubukas ng administrasyon ni Pang. Ester B. Ogena ang pamantasan sa “multi-stake holders” para mamuhunan rito.

Ito na siguro ang pinakamasaklap na kinahihinatnan ng edukasyon sa loob ng isang sistemang ang layunin ay pagkakamal ng kita para sa pribadong negosyo. Hindi nga ba’t ang neoliberalismo sa edukasyon ay sipat na sipat sa pagkaltas ng subsidyo ng gobyerno sa pampublikong edukasyon at sa pagtulak ng pamahalaan sa state universities and colleges (SUCs) tungo sa kangkungan ng pribatisasyon at komersyalisasyon? Sa panukalang P1.8 trilyong pambansang badyet para sa 2012, nasa P238 bilyon lamang ang inilalaang badyet sa edukasyon habang P700 bilyon ang badyet para sa utang panlabas. Ang pagbabawas ng gobyerno sa responsibilidad nitong subsidyo sa edukasyon ay sa katunayan pagtulak sa mga paaralan na magtaas ng matrikula’t iba pang bayarin na ipinababalikat sa mga mag-aaral.

Ang taong-taong kaltas sa badyet sa sektor ng edukasyon ay nag-aanak lamang ng mga problema para sa mga guro at mag-aaral. Halimbawa, dahil sa mababang badyet sa edukasyon, ang kahingiang P2,000 kada taon na chalk allowance ay tinatawaran ng P1,000 kada taon ng gobyerno. Habang maliit ang chalk allowance, walang magawa ang mga guro kundi ipapasan sa sariling mga bulsa ang gastusin sa chalk.

Samantala, ang nagaganap na pagdinig ngayon sa mga mungkahing pagbabago sa Konstitusyon, partikular sa edukasyon, ay kakikitaan ng pagsandig ng administrasyong Aquino sa liberalismo sa pamamagitan ng pagbubukas sa mga sektor ng midya at edukasyon sa dayuhang pamumuhunan.

Pedagohiya ng Pagpapalaya

Sa anumang senaryo ng pagtuturo at pagkatuto, laging ipinaaalala ng kasaysayan na kapwa natututo ang guro at estudyante sa isa’t isa. Ito na marahil ang sentral na tesis ng isang mapagpalayang pedagohiya – na ang edukasyon ay hindi nakapedestal. Nangangahulugan ang ganitong asersyon na ang guro ay mag-aaral rin, at na ang guro ay miyembro, higit sa anupaman, ng lipunang kaniyang kinabibilangan. At na mayroong panlipunang responsibilidad ang mga guro na maging makabayan at paglingkuran ang sambayanan.

Ayon pa nga kay Freire, sa loob ng tradisyonal na pedagohikal na sistema, itinuturing ang estudyante bilang buslong walang laman na ang pumupuno ay ang guro. Itong kaisipang ito ay sinuri ni Freire bilang isang modelo ng pedagohiya na alinsunod sa sistema ng pagbabangko (banking system) kung saan itinuturing ang kaalaman bilang salaping iniimbak sa utak na tila bangko o alkansiya. Ipinamalas ni Freire sa kaniyang pagsusuri na hungkag at atrasado ang ganitong tipo ng konsepto ng pedagohiya – sapagkat kailanman hindi dapat isalalak ang estudyante bilang taga-imbak lamang ng kaalaman; na tila ba hindi kayang iproseso at suriin ng mag-aaral ang mga ideya’t konseptong ipinagkakasya sa kaniya bilang bagong kaalaman.

Samakatuwid, ano ang nais ipatungo ni Freire sa pangkalahatang sistema ng pagtuturo at pagkatuto? Na ang pedagohiya ay dapat ituring ang mag-aaral bilang kapwa-manlilikha ng kaalaman. At dahil sa ganitong pagpapabatid, maaaring pasulungin pa ang isang transpormatibo at mapagpalayang pedagohiya, kung saan ang mag-aaral at guro, sa pangkalahatan, ay hindi dapat ipinipinta bilang magkatunggali, kundi bilang magkakampi at magkasama sa hangarin na paglingkuran at palayain ang sambayanan.

 

Originally published: The Torch 4th issue 2011

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s