ni Kiko Espinoza

Langit
Biyaheng-langit kung ituring ng mga kumpanya ng pagmimina ang pagbyahe ng ating mga likas na yaman sa ganang kanilang nais. Nakapagtataka kung bakit napakalakas ng loob ng mga ito na magsagawa ng malawakang operasyon kahit napakalaki na ng epekto nito sa pagkasira ng kalikasan at sa kabuhayan ng mga nasa kabundukan at kanayunan.

Ayon sa “Deklarasyon ng Palisiya” (seksyon 2) ng Republic Act 7942, o ang tinatawag na Mining Act of 1995:  “All mineral resources in public and private lands within the territory and exclusive economic zone of the Republic of the Philippines are owned by the State. It shall be the responsibility of the State to promote their rational exploration, development, utilization and conservation through the combined efforts of government and the private sector in order to enhance national growth in a way that effectively safeguards the environment and protect the rights of affected communities.”

Ngunit taliwas sa deklarasyong ito, napakaraming paglabag ng mga kumpanya ng minahan sa Pilipinas. Isa na rito ang pagkasira ng ating mga likas na yaman, ang pagkasira ng kabuhayan ng mga tao’t katutubo sa mga lugar na sakop ng pagmimina, at higit sa lahat ay ang walang direktang katugunan sa pagtaas ng Gross National Product (GNP). Nasisira na ang likas na ating yaman ay wala pa itong pakinabang sa mamamayan.

Samantala, ayon sa posisyong papel ng Center for Environmental Concern (CEC), “We have learned the hard way under RA 7942. We have seen how the current mining law has directly contributed to some of the worst environmental tragedies the Philippines has faced; to the continuing destruction and degradation of our coastal, agricultural, and upland ecosystems; to recurring violations of civil, political, and human rights; to the displacement of indigenous peoples from their ancestral lands; and to the stunting of the domestic agricultural and industrial economy which has made poverty a lingering and ugly reality in our country.”

Ang isa pang usapin dito ay ang paghahari ng mga dayuhang kumpanya ng pagmimina sa ating bansa. Napalaki ng ganansyang nakukuha ng mga ito sa gobyerno lalo pa’t kung iisipin ay mayroon tayong suliranin sa usapin ng lupa. Ang mga magsasaka na pinagkakaitan ng lupang mapagtatamnan ng mga ginintuang palay at iba pang pananim. Ni ito natutugunan sa sarili nitong bayan dahil sa pangangamkam ng mga higanteng tumatalima lamang sa kanilang pansariling interes.

Ang nangyari sa pagmimina sa Surigao ay isang halimbawa ng mapanirang epekto sa kalikasan at kabuhayan ng large-scale mining. Halos patagin na ang kabundukan mula sa paghuhukay ng nickel. Isa ang Pilipinas sa limang bansa sa buong mundo na mayaman sa ganitong klase ng mineral. Ngunit gayunpaman, wala na nga itong kapakinabangan sa mga katutubong naninirahan doon ay inaabuso pa ng mga kapitalista ang ating likas na yaman ng bayan.

Lupa
Litanya kung susumahin ang usapin sa lupa ng ating bayan. Ganansya ng mga kapitalista mula sa pagpapatayo ng industriyang pang-negosyo na nagtutulak sa ating mga kababayan na magpaalipin sa kanilang mga operasyon. Pagbebenta ng gobyerno ng lupa ng bayan sa mga dayuhan mula sa tapik ng imperyalistang tulad ng Estados Unidos.

Kung ating susuriin, gobyerno pa ang tumatayong abugado ng mga dayuhang kumpanya pagdating sa pagkasira ng kalikasan. Dahil diumano legal ang kanilang operasyon at walang nilalabag na batas ang mga kumpanya, kahit pa kapalit nito’y ang kabuhayan at karapatan sa lupa ng mismong mamamayan.

Dagdag pa rito ang Parity Ammendments of 1946 na isinasaad ang pantay na karapatan ng mga Amerikano na makinabang sa likas na yaman ng bansa para sa pagnenegosyo. At dahil dito, lalo pang itinutulak ng pamahalaang Aquino na ipagbili ang mga lupain ng Pilipinas sa mga kapitalistang dayuhan habang pinalalayas ang mga magsasaka at katutubo mula sa kanilang pagmamay-aring lupain. Bukod rito’y nalulugmok ang maliliit at lokal na mga negosyo ng bayan dahi sa pagdagsa ng mga dayuhang namumuhunan sa bansa.

Halos 30 taon na ang operasyon ng Taganito Mining Corporation (TMC) sa Surigao del Norte. Napakalawak ng nasirang lupain mula sa paghuhukay at pagbubulwak ng lupa para sa pagkuha ng mga mineral. Nasira ang kabuhayan ng mga katutubong Lumad na Mamanwa mula sa lupain ng kanilang mga ninuno at ang kanilang lupang sakahan na pinagkukuhanan ng kanilang kabuhayan.

Naging kamal ang korporasyon upang mapababa ang babayaran nitong buwis. Nakipagkuntsabahan ito sa mga lokal na opisyal, kung kaya’t mula sa P400 milyong buwis na dapat na bayaran ay napababa ito sa P40 milyon na lamang.

Samantala, ang Platinum Group Metal Corporation (PGMC) ang isa rin sa naging sanhi ng pagkakalbo ng mga kagubatan at tuluyang pagkasira ng mga ilog. Gayundin ang Taganito High-Pressure Acid Leaching Plant (THPAL-Sumitomo) na gumagamit na nakapipinsala at nakalalasong kemikal sa pagproseso ng nickel. Hindi rin nawawala ang pang-aabuso ng mga ito sa kanilang mga manggagawa na pronto sa kanilang operasyon. Bukod sa mababang pasahod ay wala ring benepisyo ang mga kontraktwal na trabahador.

Impyerno
Delubyo kung maituturing ang masamang epekto ng pagmimina. Nakokontamina ang mga ilog, sapa at dagat, dahilan kung bakit namamatay ang mga yamang-dagat malapit sa mga bayang pinamumugaran ng mga pagmimina. Nakokontamina rin ang tubig mula sa mga dam. Nagbubunsod din ito ng pagbaha sa mga mababang lugar dahil sa mga basura na mula sa mga minahan. Palasak naman ang pagkakasakit sa baga ng mga mamamayang naninirahan malapit sa mga minahan dahil sa usok at alikabok na mula sa pagbubulwak ng lupa.

Nasusunog sa asupre ng kahirapan ang maaaring ilarawan sa mga taong naninirahan malapit sa minahan sa Surigao del Norte: pagkawasak ng kanilang kabuhayan, pagkasira ng mga lupang sakahan at pagkawala ng kariktan ng lugar.

Kung magpapatuloy ang mala-demonyong panunupil at panggagahaman ng dayuhang kumpanyang minahan sa Pilipinas, patuloy na malulugmok sa delubyong pamumuhay ang mga taong apektado nito mula sa pahiwatig ng pansariling interes upang katasan ang ating likas na yaman.

Walang ibang nagkakamal at yumayaman kundi ang namumuhunan. Walang ibang naperwisyo kundi ang mamamayan. Walang ibang nakinabang sa yaman ng bayan kundi ang mga kapitalista, ang kanilang mga kasabwat, at ang reaksyonaryong gobyerno. Matagal nang panahon na tinututulan ang paninibasib ng mga dayuhan at pribadong kumpanya ng pagmimina sa bansa. Hindi ito dapat malibing sa hukay na binungkal ng pagmimina.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s